Pa- PEYSBUK nga!!!!!!!!!!!!!



“PA – PEYSBUK NGA!!!!”. Linya ng estudyante na uubusin ang baon para makapagrent sa isang internet shop. Linya ng isang empleyado pagkadating niya sa opisina at naabutang ginagamit ng katrabaho ang office computer. Linya ng kapitbahay na gustong maki gamit ng internet sa kadahilanang hindi siya nakapagbayad ng bill. At kung sino man ang sinasabihan nila, malamang ang isasagot nito ay.. “teka, log out ko lang..”. Nagpe-facebook din pala.


Facebook. Ang social networking site na lumamon sa myspace at friendster. Ito rin ang pilit kinakaibigan ng ilan pang aspiring forms of social media. Pansinin mo, yung mga bagong kumakaribal sa Facebook e may feature kung saan magrereflect din sa FB account mo ang kung ano mang post mo, gamit ang site nila. Gaya nalang ng twitter, tumblr at kung ano ano pa. Parang pelikula. Pag pinalabas ito sa sinehan sa guadamall (ang mabagsik na mall sa guadalupe), ipapalabas din ito sa sinehan ng MOA. Nagkakaiba nga lang sa level ng urine aroma at dami ng surot sa upuan.

Sa sobrang popularidad nito ay pwede na itong iconsider na necessity. Iba na ngayon. Humans need food, water and facebook. Clothing? Ano ngayon kung nakahubad. At least. nakaporma ka naman sa bago mong profile picture. Pwede na ngang iconsider ang kasalukuyan bilang “The Facebook Era”. Ang panahon kung saan tangap na ang mga bading at tomboy (kaya ikaw, wag na magpanggap, ok na daw, di mo na kelangan mag gym kuno), kung saan mas mahal nang mga tao ang aso kesa sa kapwa nila tao (inday!! ibigay mo ung ulam mo kay brownie, mag skyflakes ka nalang!!!), kung saan lahat ay tumatakbo sa mga marathon, kung saan lahat ay may necklace na ang pendant ay isang mamahaling camera, kung saan papalitan na ng cobra at sting ang dumadaloy sa mga tubo ng NAWASA, kung saan lahat ng statement ay dapat magtapos sa isang uri ng emoticon (uy, tang ina mo, joke. (“,) ). Lahat ito ay bahagi na ng social norm. Lahat tangap na. Pero huwag. Uulitin ko. HUWAG NA HUWAG mong sasabihin, lalo na sa isang pampublikong lugar na. “Ay, wala akong Facebook eh..”. Patay ka dyan brad. Kiss of death yun. Baka bigla kang paskilan ng papel sa noo mo na may nakasulat na EEEWWWW!!!. Baka biglang magkaroon ng caste system sa pinas at lahat ng walang FB account ay mga untouchables. Pwede ring i-ekskomunikado ka ng simbahan katoliko at ipapakalat ito sa mga tweet ng arsobispo.

Kung stalker ka, di na kelangan ng paliwanag kung bakit adik na adik ka sa FB. Pero para sa masa. Ano bang meron dito?

Bukod sa green joke na ibinulong sayo nung tropa mong adik, pwede ka ding magshare ng pictures (aka pix),videos, notes at mga links mula sa iba pang sites. Makikita ito ng mga “friends” mo at pwede silang magkomento dito. Walang limit ang pagpo post. May sense man o wala. Healthy nga daw ito sabi nung mga sociologist. Exercising our rights to free speech daw ito. Pero lahat ba e post-worthy? O karamihan ay nagdadala lang ng badtrip.

Freedom of speech pala ha. Ito ang post ko tungkol sa mga post ng iba. Guilty tayo dito.

1. Iwasan ang pabigla – biglang pagpapalit ng relationship status. Lalo na kung mababaw lang ang dahilan tulad ng late reply sa text o hindi pag iloveyou sayo ang jowa mo kaninang alas tres (sarili nyong 3 o’clock habit). Dahil pag nagka-ayos kayo, at ibinalik mo sa dati ang status mo, ikaw din ang magmumukhang praning.

2. Walang masama kung purong tagalog ang shout out mo. Wag matakot na sabihan nang “uy makata”. Kesa naman panay nga ang english, sablay naman ang grammar at hindi kakikitaan ng sense ang sinabi. (iba ang you’re sa your).

3. Check in. Ang post kung saan sinasabi ang kasalukuyan mong lokasyon. Positibo. Pwedeng maging safety precaution. At least alam nila kung saan ka huling pumunta sakaling di ka mahagilap ng ilang araw. Negatibo. Easy prey ka sa mga serial killers o sa kaibigan na may galit sayo. (Ingat ka silvestre. hehehe)

4. May “about you” page ang FB. Dun mo isusulat ang mga hilig mo. Di mo na kelangan pang magpost ng magpost ng mga youtube videos nila Ozzy Osbourne, Metallica o Korn para ipagdiinan na rakista ka. Ikaw din, baka mahirapan kang panindigan. Lalo na pag tumugtog na ang paborito mong kanta ni Katy Perry. Napaindak at sing along si kumag.

5. Hindi kelangan magpost ng mga litrato o video nang iniembalsamo o bangkay na durog durog ang katawan at labas ang mga laman loob. Palit kaya kayo nung andun sa picture. Ako naman ang magpopost.

6. Magtira ng konting privacy para sa sarili. Hindi lahat ng bagay ay dapat ishare. Lalo na sa social media. Sarilinin mo nalang ang gusot sa pamilya o away mag asawa. Pribado na yon. Post ka ng post, tapos mababadtrip ka kung gagawing pulutan sa inuman ang kwento ng buhay mo.

7. Ok lang ipost ang mga bago mong gamit. Gaya ng mga gadget, damit o accessories. Natural lang maging proud ka lalo na kung pinaghirapan mo o importanteng tao ang nagbigay sayo nito. Di lang siguro tama na sabihing “hay nakakapagod na magshopping, andami ko kasi pinamili”.

8. Kung sakaling may nagpost ng malungkot o kaya’y tungkol sa isang masamang pangyayari sa kanila, wag mong i-like. Ano yun? Nagustuhan mo pa na sumemplang siya sa kanal.

9. Wag mong i-like ang sarili mong post. Kaya nga pinost mo in the first place. Mas malala kung ikaw din ang magcocomment. Parang loner ka naman nun.

10. Wag kang basta basta magpost ng nakakagagong comment, lalo na sa mga picture kung saan may mga taong di mo kilala. Halimbawa: “Pre, sino yang kasama mo sa pic? si Bella Flores?”. Huli mo na nalaman. Girlfriend pala niya yun.

11. Kung sakaling may nagpost ng matino at informative na mensahe. Magpasalamat. Huwag mag angas sabay comment nang “ay luma na yan, huli kana sa balita” o kaya “wala, kalokohan lang yan”. Wag kang magmagaling. Matalino kaba na parang si Rizal? E di pabaril ka sa Luneta.

12. Wag gamitin ang FB para magpakalat ng maling impormasyon at maghatid ng mass hysteria. Pero kung sino man ang napost na aabot dito ang radiation sa japan. Nagpapasalamat sayo ang manufacturer ng Betadine.

13. Wag sumali at i-like ang isang fan page kung puro kagaguhan lang ang ipopost mo sa wall nito. Halimbawa, nagpamember ka sa page ng isang seksing artista tapos mag cocomment ka lang ng “uy, sarap mo naman, parang mainit na lugaw sa malamig sa madaling araw”. Tapos magtataka, “hala.. bakit ako na banned?”.

14. Hindi lang ikaw ang may gustong manood ng sine. Wag kang mag post ng mga spoilers na maaaring ikabadtrip ng iba. “just watched Nardong Putik: Ang Pagbabalik Ni Totoy Burak, ganda ng ending, napatay nya ung kontra bida sa pamamagitan ng pagpukpok sa ulo ng isang palayok, pero sad dahil huli na nang malaman nya na tatay niya pala yun..”.

15. Di naman ata kelangan simulan ang post mo sa salitang “Damn!!” o kaya “Oh gosh” lalo na kung di naman malubha o kagulat gulat ang pangyayari. Halimbawa: “oh gosh, umuulan”. Taga saudi???

16. Wag matawa at kantyawan kung corny o masyadong romantiko ang isang post. Tandaan mo, magmamahal ka din. Lintik lang ang walang ganti. Dami kong kilalang ganyan.

17. Ok lang siguro ipost kung ano at kung saan ka kumakain. Iwasan lang yung pagpopost ng close up pictures nung pagkain mismo. Marami ang nagpapalipas ng gutom sa pamamagitan ng Facebook. Sino ka para inggitin sila. Parang yung feeling na, asa air-con bus ka, pauwi sa bahay at gutom tapos may kumag na kakain ng burger at fries. Langhap mo ang bawat kagat niya. Di maka tao. Dapat palitan ang pangalan niya. Gawing Lucifer.

18. Ok lang siguro ang mag post sa paraang Jejemon. Trip mo yun e. Wag mo nga lang asahan na seseryosohin ka kahit matino ang gusto mong sabihin. Expect mo rin na lahat ng comment sayo e magtatapos sa “jejejeje”.

19. Wag magimbita sa isang okasyon gamit ang shout out mo, tapos may ita-tag ka lang na piling tao. Bangag kaba? Makikita ng lahat ng “friends” mo na iilan lang ang gusto mo papuntahin sa nasabing okasyon.

20. Pwede ba?? HINDI PORKET ALL CAPS E GALIT ANG NAGPOST. BAKA LUMUBOG AT NASTUCK LANG ANG CAPS LOCK.

21. Sapat naman na siguro ang tatlong exclamation point para ipaalam sa bumabasa na puno ng emosyon ang post mo. Di mo kelangan punuin ng punctuations porket walang bayad ang extra characters tulad ng sa text messaging. Halimbawa. Pakyu ka!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!. Mali yun. Dapat. Pakyu ka!!!

22. Iwasang magpost kung ikaw ay (a) lasing, (b) nasa impluwensya ng ipinagbabawal na gamot o (c) hindi tinirahan ng ulam. Walang gustong makabasa ng pag aamok mo na puno ng mali maling spelling. Kung sakaling nakakaramdam ng “FB rage”, magpahid ng menthol toothpaste sa mga palad, at itampal tampal sa mukha mo hanggang sa kumalma.

23. Oo, dapat sulitin ang unlimited surfing na maghapon mong binantayan para lang maregister. Pero di ibig sabihin nun na post lang ng post. Halimbawa, ang ilalagay mo sa shout out mo e tatlong magkakasunond na tuldok. Ano yun? Buti pa quote nalang. Time is gold.

24. Wag trigger happy sa “share” button. Hindi porket di nagappear sa profile page ang mabangis mong status message e kelangan mong tiktikin ang pagpindot. Antayin mo lang. Mamaya ilang beses na pala napost. Paulit ulit. Wag kang atat. Lalo na kung ang ipopost mo e “Patience is a virtue”.

25. Wag mong kakumpetensyahin ang youtube sa dami ng video na nakapost sa wall mo. OK lang siguro kung ishare mo ang isang nakakatawang clip kung saan may nag susurfing na pusa o kaya naman e makabuluhang excerpt ng isang documentary. Wag naman yung lahat ng mtv ng kantang marinig mo sa jeep o lahat ng episode ng wow mali.

26. Wag ipahamak ang sarili. Kung sakaling pwede naman palang acronym ang isang term e wag mo na itong buuhin sa iyong post. Loud out loud!!!!.

27. Hindi masamang makisali sa mga occasional drives o campaigns. Tulad ng paggamit ng picture ng nanay mo pag mother’s day o pag post ng mensahe tungkol sa cancer bilang status message mo. Hindi porket di ka nakisali e cool o mas sophisticated ka.

28. Kung may nagcomment o nagpost sa wall mo na di mo kilala ang pangalan pati na ang picture. I-open saglit ang profile. Wag mo agad replyan ng makamandag na “HU U?”. Malay mo, tropa mo pala yun. Binaliktad lang ang pangalan. O kaya naman e dinagdagan ng H. Mhayhumhi Pharhedez.

29. Kung magcocomment ka, halimbawa sa isang picture, iwasang gumamit ng paghahalintulad sa ibang tao lalo na kung kagaguhan lang ang sasabihin mo. Halimbawa, “baduy ng porma mo pre, parang bisaya lang” o kaya “mukha kang magsasaka”. Tandaan, di ka lamang o nakahihigit sa mga bisaya at magsasaka. Ikaw kaya, magpost ka ng video tungkol sa mga unggoy, tapos may magcomment, “ambobobo naman nila, parang ikaw”.

30. Wag kang magatubiling bumati sa mga post tungkol sa panganganak ng isang ina, pagpapakasal ng magsing irog o pagkatangap sa trabaho. Sa magulong mundo, hindi ba’t masarap ishare ang mga positibong pangyayari.

Code of ethics. Wala. Oo. Walang basagan ng trip.

Pero hindi ba mas maganda kung ginagamit mo to sa matinong paraan?

Pa-Peysbuk nga!!!






TSINELAS

“O, okay ka lang?” Tanong mo sa akin, nagliligpit ka na ng gamit bago mag- ayos ng katawan at matulog. Maaga ka pa pala bukas, board exams mo na. Tumango lamang ako, tulad ng nakagawian. Hindi ka umimik.
Kahit naman sabihin kong oo, halata namang hindi. Hindi ako okay. Hindi at okay- hindi bagay magsama sa isang pangungusap lang. Kaso ganoon talaga. Iyon lamang ang nalalaman kong paraan upang maisalawaran kung “okay nga ba ako?”
Nalulungkot ako. Dahil ba sa nalulungkot ka, hindi ka na okay? Ano ba ang maging okay? Ano ba ang okay? Nalulungkot ako. Nalulungkot talaga ako. Kulang pa nga ito upang maihayag kung ano itong pumipiga sa puso ko. Bakit nga ba ako malungkot- dito, ngayon, sa eksaktong lugar at oras na ito? Tulad ng tuwalyang sinabunan at binabanlawan ko kanina ang puso ko: pigang- piga. May ipipiga pa ba?
Tingnan mo nga naman, kung anu- ano na itong naiisip at nasasabi ko!
Hindi naman ako humagulgol, nakapapagod iyon. Tuluy- tuloy lamang ang naging pagdaloy ng luha sa aking mga pisngi, pero kung tutuusin nakapapagod din ito. Iisipin mo pa kung bakit kailangan mo pang pag- isipan at pag- ukulan ito ng panahon! Iyon yung mga pagkakataong hindi mo na makontrol. Mamamalayan mo na lamang na nangyayari na pala. Nagkakaroon na pala ng kaganapan. Tila bago akong hilamos- sa luha.
Napangiti na lamang ako nang muli mong lingunin. Ngiting
sana
kakitaan mo pa ng lakas, lakas na galing din naman sa iyo. Sabihin na nating ng pagmamahal ko sa iyo.
“Nakakain ka na ba?” Tanong ko. Tumango ka naman bilang tugon.
“May tubig pa ba tayo?” Tanong mo, nagbibihis ka na’t nagtatanggal ng sapatos.
“Paubos na.”
Buwan- buwan kasi ang rasyon ng tubig sa atin. Kung bakit kasi hindi pa ito magawan ng paraan ng lokal na pamahalaan.
“Nasaan na pala iyong tsinelas ko?”
“Ewan ko, saan mo ba iniwan kanina?”
“Hindi ko na matandaan eh…”
“Alalahanin mo muna kung saan mo huling nilagay.”
Katahimikan.
Naglakad ka mula sa
kama
hanggang sa may banyo nang walang sapin sa paa. Nakakunot ang noo mo sa iyong pagbalik. “Nawawala talaga. Wala rin sa banyo.”
Paano mo nga ba naman kasi mahahanap ang isang bagay na nawawala? Patuloy mong hahanapin. Masuwerte ka kung mahahanap mo nga. Kung hindi naman, ayos lang. Maaari kang maghanap ng panibago upang mapalitan o di kaya’y tuluyan mo na lamang itong kalilimutan. Makakalimutan mo nga ba o mananatili itong naroon at bahagi ng iyong pag- iral, kahit hindi mo na mamalayan? Ang paghahanap na ito ay naiiba sa paghahanap sa isang bagay na hindi mo alam kung saan mo inilagay.
Paano mo mababalikan ang isang bagay na hindi mo alam kung saan mo iniwan?
“Bilhan na lang kita ng bago.” Sabi ko. “Anong gusto mong kulay?”
“Hindi na… sige na, tulog na tayo,” sabi mo, sabay higa. Nakaharap ka sa akin, sabay talikod. Bahagya kang bumangon, sabay halik sa aking pisngi. “Good night.”
Minahal kita sa sandaling hindi mo namamalayan. Paano kung sa sandaling hindi ko napaghandaan, bigla na lamang mawala ang ningas ng minsan nating matamis na pagtitinginan?
“Anong
plano
mo sa buhay?” Tanong mo. Gabi
noon
, sabi mo ihahatid mo na lang ako pauwi kung kaya’t hindi na rin ako nag- alala sa oras.
Sa puntong iyon pa lamang, nagkakalapit na ang ating kalooban. Hindi ko maitatanggi na mabilis na nahulog ang kalooban ko sa iyo. “Marami.”
“Gusto ko, simpleng buhay lang. Masaya. Iyong tipong kuntento ako sa kung anong meron at kasama ko mga mahal ko sa buhay. Ganun.. eh ikaw?”
Pangiti- ngiti ka pa noong una. Ngiting naging dahilan ng una kong pagluha. “Ganun na ganun din.”
Sayang, kung naghintay pa siguro tayo ng mas matagal bago natin pinasok ang relasyong sa kalaunan, hindi rin pala makakabuti sa atin.
Kaya pala ang Diyos, hindi lamang bigay nang bigay. Kaya pala tinuturuan niya bawat isa na maghintay.
Kaya pala kapag bata ka, pinupuna nila ang mga ginagawa mo. Good girl, bad girl. Good boy, bad boy. Dahil sa huli, hindi lamang sa iyo umiikot ang mundo. Kay rami nilang maaari mong masaktan, o matulungan o mahalin, ipaglaban. Sa bawat kilos mo, mayroong maaapektuhan.
Kaya pala ang tao, mayroong pilit na pinatutunayan sa sarili at sa kapuwa. Dahil mayroon siyang hinahanap, hindi niya matumbok- tumbok, kahit batid niya kung ano nga iyon.
Sa wakas, dumating din ang gabing kay tagal kong pinaghandaan. Kay tagal kong naghihintay rito, sa salas na iniayos ko rin sa paraang gusto mo. Simple lang naman ang inihanda ko para sa gabing ito. Pasado ka sa exams! Nakalagay ang pangalan mo sa diyaryo. Binati na rin ako ng mga kaibigan natin. Ng mga kamag- anak.
Nabili ko na pala iyong ipapalit natin sa tsinelas mo. Ikaw naman kasi, kung saan- saan mo inilalagay! Kapag hindi mo talaga iningatan, mawawala iyan! Ang tagal- tagal mo nang ginagamit iyon, nasaang lupalop na kaya iyon?! Mahuhuli raw pala ang rasyon ng tubig para sa buwang ito. Ayun, nagreklamo na ang mga kapitbahay sa baranggay! Ewan ko ba, bakit ganyan ang mga tao, pabaya! Ang dami- raming mapeperwisyo sa ginagawa nilang iyan!
Lumamig na ang putaheng magiisang- oras ko nang naihanda. Pulos balita na rin ang mapapanood sa telebisyon na napanood ko na kanina pa sa TV Patrol. Pinatay ko na lamang ang telebisyon. Nakaidlip na nga ako nang may kung ilang minuto.
Iniwan ko na lamang ang tsinelas sa may paanan ng
kama
natin. Makikita mo agad iyon, tiyak na ikatutuwa mo. Hindi ba’t ganoon ka pa rin naman? Natutuwa sa mga simpleng bagay.
Maaga akong nagising. Hindi ka pa rin pala dumarating.
Naghanda ako ng iyong almusal, iyong paborito mong vienna sausage at corn soup. Nag- init na rin ako ng kaunting tubig na iyong ipanliligo. Inihanda ko na rin ang isusuot mo para sa araw na ito.
Malaki ang ngiti ko ngayong umaga. Ngiting minsan, sabi mo, naging dahilan ng pagkakahulog ng iyong kalooban sa akin. Sa ganitong pagkakataon, hindi maiwasang balik- balikan ang nakaraan. Sapagkat naroon ang minsan nating pinangarap. Minsan nating mga mithiin, minsan nating mga takot at pangamba.
Hindi ka na darating. Sayang naman ‘tong mga inihanda ko para sa’yo! Nagsayang lang ako ng panahon! Ang dami kong ginawa para sayo! Gaganituhin mo lang ako! Kung alam ko lang, hindi
sana

Hindi ba’t ang pagngiti’y para lamang sa nagagalak? Hindi ba ako dapat na matuwa sapagkat nabigyan na ng kasagutan ang matagal ko nang hinala?
“Okay ka lang ba?” Tanong mo. Kumakain tayo ng agahan
noon
. Huling beses kong inihanda ang hapag- kainan para sa iyo. Huling beses na hinugasan ko ang plato mo. Huling beses na nagpahalik sa iyo ng “Bye, ‘dy”, “Ingat…” Tiningnan kita nang hindi kumukurap. May kung ilang segundo rin iyon. Sabay ngiti, “Okay lang. Ang tanong, ikaw, okay ka lang ba?”
Wala kang naisagot.
Doon
pa lamang, naunawaan ko na. Pakakawalan na kita. Nakasisiguro na ako..






About the Author