TSINELAS

“O, okay ka lang?” Tanong mo sa akin, nagliligpit ka na ng gamit bago mag- ayos ng katawan at matulog. Maaga ka pa pala bukas, board exams mo na. Tumango lamang ako, tulad ng nakagawian. Hindi ka umimik.
Kahit naman sabihin kong oo, halata namang hindi. Hindi ako okay. Hindi at okay- hindi bagay magsama sa isang pangungusap lang. Kaso ganoon talaga. Iyon lamang ang nalalaman kong paraan upang maisalawaran kung “okay nga ba ako?”
Nalulungkot ako. Dahil ba sa nalulungkot ka, hindi ka na okay? Ano ba ang maging okay? Ano ba ang okay? Nalulungkot ako. Nalulungkot talaga ako. Kulang pa nga ito upang maihayag kung ano itong pumipiga sa puso ko. Bakit nga ba ako malungkot- dito, ngayon, sa eksaktong lugar at oras na ito? Tulad ng tuwalyang sinabunan at binabanlawan ko kanina ang puso ko: pigang- piga. May ipipiga pa ba?
Tingnan mo nga naman, kung anu- ano na itong naiisip at nasasabi ko!
Hindi naman ako humagulgol, nakapapagod iyon. Tuluy- tuloy lamang ang naging pagdaloy ng luha sa aking mga pisngi, pero kung tutuusin nakapapagod din ito. Iisipin mo pa kung bakit kailangan mo pang pag- isipan at pag- ukulan ito ng panahon! Iyon yung mga pagkakataong hindi mo na makontrol. Mamamalayan mo na lamang na nangyayari na pala. Nagkakaroon na pala ng kaganapan. Tila bago akong hilamos- sa luha.
Napangiti na lamang ako nang muli mong lingunin. Ngiting
sana
kakitaan mo pa ng lakas, lakas na galing din naman sa iyo. Sabihin na nating ng pagmamahal ko sa iyo.
“Nakakain ka na ba?” Tanong ko. Tumango ka naman bilang tugon.
“May tubig pa ba tayo?” Tanong mo, nagbibihis ka na’t nagtatanggal ng sapatos.
“Paubos na.”
Buwan- buwan kasi ang rasyon ng tubig sa atin. Kung bakit kasi hindi pa ito magawan ng paraan ng lokal na pamahalaan.
“Nasaan na pala iyong tsinelas ko?”
“Ewan ko, saan mo ba iniwan kanina?”
“Hindi ko na matandaan eh…”
“Alalahanin mo muna kung saan mo huling nilagay.”
Katahimikan.
Naglakad ka mula sa
kama
hanggang sa may banyo nang walang sapin sa paa. Nakakunot ang noo mo sa iyong pagbalik. “Nawawala talaga. Wala rin sa banyo.”
Paano mo nga ba naman kasi mahahanap ang isang bagay na nawawala? Patuloy mong hahanapin. Masuwerte ka kung mahahanap mo nga. Kung hindi naman, ayos lang. Maaari kang maghanap ng panibago upang mapalitan o di kaya’y tuluyan mo na lamang itong kalilimutan. Makakalimutan mo nga ba o mananatili itong naroon at bahagi ng iyong pag- iral, kahit hindi mo na mamalayan? Ang paghahanap na ito ay naiiba sa paghahanap sa isang bagay na hindi mo alam kung saan mo inilagay.
Paano mo mababalikan ang isang bagay na hindi mo alam kung saan mo iniwan?
“Bilhan na lang kita ng bago.” Sabi ko. “Anong gusto mong kulay?”
“Hindi na… sige na, tulog na tayo,” sabi mo, sabay higa. Nakaharap ka sa akin, sabay talikod. Bahagya kang bumangon, sabay halik sa aking pisngi. “Good night.”
Minahal kita sa sandaling hindi mo namamalayan. Paano kung sa sandaling hindi ko napaghandaan, bigla na lamang mawala ang ningas ng minsan nating matamis na pagtitinginan?
“Anong
plano
mo sa buhay?” Tanong mo. Gabi
noon
, sabi mo ihahatid mo na lang ako pauwi kung kaya’t hindi na rin ako nag- alala sa oras.
Sa puntong iyon pa lamang, nagkakalapit na ang ating kalooban. Hindi ko maitatanggi na mabilis na nahulog ang kalooban ko sa iyo. “Marami.”
“Gusto ko, simpleng buhay lang. Masaya. Iyong tipong kuntento ako sa kung anong meron at kasama ko mga mahal ko sa buhay. Ganun.. eh ikaw?”
Pangiti- ngiti ka pa noong una. Ngiting naging dahilan ng una kong pagluha. “Ganun na ganun din.”
Sayang, kung naghintay pa siguro tayo ng mas matagal bago natin pinasok ang relasyong sa kalaunan, hindi rin pala makakabuti sa atin.
Kaya pala ang Diyos, hindi lamang bigay nang bigay. Kaya pala tinuturuan niya bawat isa na maghintay.
Kaya pala kapag bata ka, pinupuna nila ang mga ginagawa mo. Good girl, bad girl. Good boy, bad boy. Dahil sa huli, hindi lamang sa iyo umiikot ang mundo. Kay rami nilang maaari mong masaktan, o matulungan o mahalin, ipaglaban. Sa bawat kilos mo, mayroong maaapektuhan.
Kaya pala ang tao, mayroong pilit na pinatutunayan sa sarili at sa kapuwa. Dahil mayroon siyang hinahanap, hindi niya matumbok- tumbok, kahit batid niya kung ano nga iyon.
Sa wakas, dumating din ang gabing kay tagal kong pinaghandaan. Kay tagal kong naghihintay rito, sa salas na iniayos ko rin sa paraang gusto mo. Simple lang naman ang inihanda ko para sa gabing ito. Pasado ka sa exams! Nakalagay ang pangalan mo sa diyaryo. Binati na rin ako ng mga kaibigan natin. Ng mga kamag- anak.
Nabili ko na pala iyong ipapalit natin sa tsinelas mo. Ikaw naman kasi, kung saan- saan mo inilalagay! Kapag hindi mo talaga iningatan, mawawala iyan! Ang tagal- tagal mo nang ginagamit iyon, nasaang lupalop na kaya iyon?! Mahuhuli raw pala ang rasyon ng tubig para sa buwang ito. Ayun, nagreklamo na ang mga kapitbahay sa baranggay! Ewan ko ba, bakit ganyan ang mga tao, pabaya! Ang dami- raming mapeperwisyo sa ginagawa nilang iyan!
Lumamig na ang putaheng magiisang- oras ko nang naihanda. Pulos balita na rin ang mapapanood sa telebisyon na napanood ko na kanina pa sa TV Patrol. Pinatay ko na lamang ang telebisyon. Nakaidlip na nga ako nang may kung ilang minuto.
Iniwan ko na lamang ang tsinelas sa may paanan ng
kama
natin. Makikita mo agad iyon, tiyak na ikatutuwa mo. Hindi ba’t ganoon ka pa rin naman? Natutuwa sa mga simpleng bagay.
Maaga akong nagising. Hindi ka pa rin pala dumarating.
Naghanda ako ng iyong almusal, iyong paborito mong vienna sausage at corn soup. Nag- init na rin ako ng kaunting tubig na iyong ipanliligo. Inihanda ko na rin ang isusuot mo para sa araw na ito.
Malaki ang ngiti ko ngayong umaga. Ngiting minsan, sabi mo, naging dahilan ng pagkakahulog ng iyong kalooban sa akin. Sa ganitong pagkakataon, hindi maiwasang balik- balikan ang nakaraan. Sapagkat naroon ang minsan nating pinangarap. Minsan nating mga mithiin, minsan nating mga takot at pangamba.
Hindi ka na darating. Sayang naman ‘tong mga inihanda ko para sa’yo! Nagsayang lang ako ng panahon! Ang dami kong ginawa para sayo! Gaganituhin mo lang ako! Kung alam ko lang, hindi
sana

Hindi ba’t ang pagngiti’y para lamang sa nagagalak? Hindi ba ako dapat na matuwa sapagkat nabigyan na ng kasagutan ang matagal ko nang hinala?
“Okay ka lang ba?” Tanong mo. Kumakain tayo ng agahan
noon
. Huling beses kong inihanda ang hapag- kainan para sa iyo. Huling beses na hinugasan ko ang plato mo. Huling beses na nagpahalik sa iyo ng “Bye, ‘dy”, “Ingat…” Tiningnan kita nang hindi kumukurap. May kung ilang segundo rin iyon. Sabay ngiti, “Okay lang. Ang tanong, ikaw, okay ka lang ba?”
Wala kang naisagot.
Doon
pa lamang, naunawaan ko na. Pakakawalan na kita. Nakasisiguro na ako..






No comments:

About the Author